Sunday, April 10, 2011

The "I Love You" Letter

Seryoso, napaiyak ako nung sinusulat ko ito.

Dear Cuz,

Nung kapapanganak pa lang sayo ni Mama mo, di ako pinayagan ni Dadi na bumisita sa ospital. May case daw ng dengue doon at baka ako mahawa. Ewan ko ba kung totoo yon o ayaw lang talaga niya ako papuntahin sa ospital noon. Gusto ko pumunta kase gusto kita makita. Nung bata kase ako, si Mama mo ang nag-aalaga sakin pag nagtratrabaho si Mommy. Para ko na din mama si Mama mo. Katabi ko matulog, tinitimplahan ako ng milk, hugas pwet, paligo at kung ano ano pa. Na excited kase ako, ano kaya itsura mo?

Isang araw, magdadala yata ng pagkain si Mommy sa ospital. Di alam ni Daddy na sinama ako ni Mommy. Sakto naman din na nandoon ka na sa room. Nung nakita kita, nagulat ako...Wow! Ang itim! Di naman ako magtataka kase mana ka kay Papa mo.

Nung lumalaki ka na, bale toddler ka na yata non, pinapatira ako ni Mama mo sa bahay niyo para alagaan ka. Di ko alam kung bakit gustong gusto ko sa inyo at kung bakit ako naaaliw sa iyo. Nung mga panahong ito, matatakutin ka, pangit sumayaw at maligalig, pero ok lang, bata ka naman eh. Ang tawag mo sa akin noon ay "Ba". Ginagaya mo kase si Mama mo na ang tawag sa akin ay "Aba" for short sa "Taba". Pag nag-aaral ako, tinatawag mo ko, di kita papansinin kase nag-aaral nga ako. Gagapang ka papunta sa kwarto ko at mang-iistorbo. Minsan naiinis ako at binibigay kita kay Mama mo. Peyborit mo noon ang mga bagay na umiikot. Yung unan mong mahaba na mapalot, papaikutin ko sa ere, tapos tuwang tuwa ka na noon. Minsan kung anong makuha ko sa kamay at aking paiikutin, hahalakhak ka na non. Ang first love mo, hindi ako, hindi rin si Mama mo kundi si Pinggi-pinggi. Siya yung stuff toy mo na penguin na kulay red. Sasabihin ko sayo, "kiss mo si pinggi-pinggi!" Tapos nganganga ka at isusubo yung beak ni Pinggi. Kaya ayon amoy laway tuloy si Pinggi. Tapos dumating si Pooh. Pupu ang tawag mo don. Talking stuff toy siya na kapag sinusubuan mo ng honey, magsasalita at gagalaw ang mga paa. Medyo na-echapuera tuloy si pinggi. Pero pagpinapa-kiss ko siya sayo, kiss ka pa din ng kiss.

Tapos lumaki ka na, mga preschool hanggang sa school age ka na non. Hindi na ako nakatira sa inyo. Doon na ko sa amin. Pagpumupunta kami sa inyo, yayakapin mo ko, tapos lalaro tayo. Pareho tayo ng school eh, minsan sinisilip kita sa class room mo. Pagnagkikita tayo, yayakap ka saken tapos sasabihan kita na wag tumakbo pero di ka nakikinig. Pag-inaaway ka nung demonyo mong kaklase, yung mukhang bumbay, inaaway ko din siya kahit murahin pa niya ako. Tapos minsan tinatanong kita kung  ok ba ang pag-aaral mo, sasabihin mo sakin palage, ok lang.

Tapos, nag-college na ko. Doon na ako parati sa Maynila. Madalas na tayong di nagkikita. Minsan minsan nalang kami pumupunta diyan. Pag nagkikita tayo, minsan kusa kang nag-kikiss sakin, minsan uutusan pa kita. Naalala ko, malaki ka na pala. Kase pagkakiss mo, balik ka na agad sa harap ng computer. Pero yung unan mo, na wasakwasak, maitim at amoy laway ay ginagamit mo pa din. Natuwa naman ako. Tapos, tumaas na ang baitang ko sa College. Tuwing nagkikita tau, na rerealize ko na may mali sayo. Pero shoot lang. Tapos, di ko na mapigilan na hindi pansinin. Ayon, nag-discuss kami nila ate dahil parepareho kami ng kursong pinili. Doon, na-realize ko na ikaw ay may espesyal na pangangailangan. Pero hindi naman namin ikaw nadiagnose dahil hindi naman kami doktor. Sabi ko sa sarili ko, sige, supportive care nalang tutal kaya mo naman makisama sa ibang bata eh. Kaya mo din naman mag-focus, di ka naman kasi malala. Espesyal ka na sa mata ko simula ngayon.

Parte ng pag-aruga na yon ay maging firm sa lahat ng sinasabi ko pagpinagsasabihan kita. Inaangat ko din yung baba mo para magkita yung mata natin. Iniintindi kita kahit sobrang kulit mo, kahit papano ikaw lang ang nagmamay-ari ng mahaba kong pisi, at para sa ibang bagay lagi na itong maikli. Espesyal ka nga kase, di ko lang talaga masabi kung ano yung bagay na nagpapaespesyal sa iyo.

Pag may sinasabi tungkol sayo na hindi maganda, syempre nasasaktan ako. Hindi pwede na hiritan ko sila ng nursing theories, literature at facts para ipaliwanag kung ano bang nangyayari sa loob ng bungo mo. Mahaba habang diskusyon yan kung gagawin ko yon. Hindi naman ito kaagad agad mauunawaan dahil mahirap talaga. Kahit ako, nung inaaral ko to, nahirapan din ako.

Ano pa man ang sabihin ng iba, maintidihan ka man o hindi, tuksuhin at pandilatan ng masama, kutyain at gawin katatawanan, dito ako para sa iyo. Di ko man sila kaya pawalain sa isang pitik ng daliri ko, wag ka nalang makinig. Di nalang din ako makikinig. Ang mahalaga ay nag-aaral ka, nagsisikap at nagtitiyaga para kay Mama at Papa mo. Sobrang proud ako nung sabi ng teacher mo, nag-iimprove ka daw sa school. Nagawa mo yon sa sarili mo lang, kahit minsan ka nalang tulungan ni Mama mo. Pinapakita mo na kaya mong mabuhay na kasama ang ibang pirming bata. Go lang, tuloy mo lang yan. Wag ka nalang pa-distract sa mga tao at bagay lalo na sa computer mo.

Dream ko sayo, sana ma-finish mo yung highschool at college mo para proud si Mama at Papa mo. Di ka man perpekto pero at least pinapatunayan mo na kaya mo. Basta lagi lang ako nandito, kahit mauubusan ako ng dugo sa ulo, iintindihin kita, pipilitin ko kase pinsan kita at nurse din naman ako. Insulto sa aking pinag-aralan ang hindi pag intindi sa sitwasyon mo. Love na love kita kahit ganyan ka, tandaan mo yan. Susuportahan kita lagi at magiging happy ako parati sa achievements mo. Sana, balang araw ay mabasa mo ito. I love you!

Love,
Ba